ALAGAD Party List Representative Privilege Speech on Mindoro Mining
By atm.admin - Posted on November 17th, 2009
Hon. DIOGENES S. OSABEL
ALAGAD Party List Representative
PRIVILEDGE SPEECH
“ANG MINDORO AT POLISIYA SA PAGMIMINA”
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen;
Ang Kongreso ay bahay ng halos 90, 000, 000 Pilipino. Sa bahay binubuo ang mga patakaran upang mahusay na mapangasiwaan ang pamilya. Sa Kongreso, pinag- uusapan, pinapanday at pinagtitibay ang mga polisiyang kailangan upang mapangasiwaan ng mahusay ang kalagayan ng mamamayan ng buong bansa.
Pangunahing atas ng Saligang Batas at ng mamamayang Pilipino sa Kongreso na tiyaking ang mga mapagtitibay ng batas ay para sa lahat at nagtataguyod ng kagalingang panlipunan.
Sa kasaysayan, mula sa Kasunduan sa Biyak-na-Bato noong 1897, pitong beses nang nabago ang ating Saligang Batas. (1. 1897 Biyak-na-Bato, 2. 1899 Malolos Constitution, 3. Tydings- Mc Duffie Law, 1934 Commonwealth Period, 4. 1943 World War II Constitution, 5. 1946 Constitution, 6. 1973 Constitution at pang 7 ay kasalukuyang gabay, 1986 Constitution)
Pangunahing dahilan kung bakit ito nababago ay upang ang Kongreso ay makapagpanuka at makapagpatibay ng mga batas at polisiyang akma sa pangangailangan, napapanahon at magsisilbi sa interes ng mga Pilipino at nagtataguyod ng kabutihan ng lahat.
Simula 1986, ngayon ay ika- 14 na Kongreso, hindi maikakaila na marami na tayong batas na napagtibay.
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen, hindi ba tayo nagtataka sa dami ng ating mga ipasang batas, mukhang hindi pa rin kontento ang marami sa ating mga Pilipino, mula sa kanayunan hanggang kalunsuran, mula sa mahirap, hanggang sa pinakamayaman?
Kung magkagayun, napapanahon na alamin, aralin at imbestigahan ng Kongresong ito ang mga dahilan. Bagama’t pangunahin nating tungkulin ay ang magpanday ng mga polisiya, sa ehekutibo ang magpatupad at sa hukuman ang interpretasyon, tungkulin pa rin nating malaman kung ang mga napagtitibay nating batas ay nagsisilbi sa atas sa Kongresong ito ng Saligang Batas at ng mamamayang Pilipino.
Ngayong araw na ito, gusto kong tingnan natin ang dalawa sa mga batas na ipinasa ng Kongresong ito- ang Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at Indigenous Republic Act 8371 o Peoples Rights Act (IPRA).Paano ba ito ipinatutupad?
Dahil sa kalagayang sektoral ng ALAGAD Party- List, direktang naipapaabot ng ibang- ibang sektor at indibidwal ang mga suliranin at banta sa pagpapatupad ng dalawang batas na ito.
Ang isla ng Mindoro na may kabuuang sukat na 1, 024, 455 ektarya (Occidental Mindoro 587, 985, Oriental Mindoro 436, 470) ay mayroong 92 aprobadong aplikasyon ng pagmimina at sumasaklaw ng 208, 561. 65 ektarya o 20.36% ng kabuuang lupain nito.
Sa 92 aprobadong aplikasyon ng pagmimina, 3 ang nakaambag magsimula sa operasyon, ang una ay ang Intex Resources (dating Mindex, Alag- ag, Aglubang, Crew Minerals) para sa proyektong Mindoro Nickel sa Barangay Pag- asa, Sablayan, Occidental Mindoro at Villa Cerveza, Victoria, Oriental Mindoro at sumasaklaw sa 11, 216. 6060 ektarya batay sa kanilang Environmental Compliance Certificate na nilagdaan ni DENR Secretary Jose L. Atienza noong Oktubre 14, 2009, habang ang National Capitol Region at buong bansa ay nasa State of Calamity dahil sa pinsala ng bagyong Ondoy.
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen; Ang proyektong pagmimina at Mindoro Nickel Project ay mahigpit na tinututulan ng Mindoreño, mula sa pangkaraniwang mamamayan, civil society organizations, taong simbahan, hanggang sa mga pinuno ng Lokal na Pamahalaan ng Mindoro (katunayan, nandito sila ngayon, -ang Occidental Mindoro sa pamumuno ni Governor Josephine Y. Ramirez- Sato, Vice- Governor Mario Gene J. Mendiola, mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan, Mayor Godofredo B. Mintu ng bayan ng Sablayan at Vice- Mayor League President Ed Gadiano, samantalang ang Oriental Mindoro ay pinamumunuan ni Governor Arnan Panaligan, Vice Governor Este Aceron, mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan at Mayor Dayo Ortega ng bayan ng Victoria. Nandito din ang suporta ng simbahan, Ang Apostolic Vicariate of San Jose sa pangunguna ni Bishop Antonio Palang at Monsigñor Jun Villanueva samantalang ang Apostolic Vicariate of Calapan sa pamumuno ni Bishop Warlito Cajandig).
Nakakapagtaka at nakakaalarma na mabigyan ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), Free Prior Informed Consent (FPIC) at Environmental Compliance Certificate (ECC) ang Mindoro Nickel Project sa kabila ng pagtutol ng mga katutubo, mga Lokal na Pamahalaan (mula barangay, bayan, syudad at lalawigan) at mga Mindoreño.
Sa usapin ng pagmimina, ang pinakamabigat na rekusitos ay ang pagkuha ng ECC. Kailangang napag- aralang mabuti ang mitigating measures sa direkta at indirektang epekto ng mina sa kalikasan, tubig, hangin, kalusugan, buhay, salalayan ng buhay o maging sa mga panahon ng kalamidad at pagbabago ng klima. Kailangang may social acceptability, kapani- paniwala at katanggap tanggap na konsultasyon at LGU’s- stakeholders consent ito, bagay na hindi nagawa ng EMB, DENR at Intex Resources,
Bukod sa ang bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro at lalawigan ng Oriental Mindoro ay may ordinansang nagtatakda ng 25 taong moratoryum sa pagmimina, walang pahintulot ang proyekto ng mga Sanggunian (mula barangay, bayan, syudad at lalawigan) na maliwanag na dapat unang kinukuha ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong kompanya para sa anomang proyektong isasagawa at ipatutupad sa lokalidad batay sa Seksyon 26 at 27 ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal o Republic Act 7160.
Ano ba sa pagtingin ng DENR ang mga pinuno ng Lokal na Pamahalaan, tau- tauhan sa kanilang sariling teritoryo? Wag po naman! Hindi ito ang intension ng Kongreso kaya nga nandyan ang Seksyon 26 at 27 ng Local Government Code.
Ano ba ang pagtingin ng NCIP sa mga katutubo ng Mindoro, bakit naipagkaloob sa kompanya ng minahan Certificate of Precondition, gayong ang mga katutubong Alangan at Tadyawan na apektado ng proyekto ay mahigpit ang pagtutol? Broker na ba ang NCIP ng mining company sa halip na ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubo?
Ang Mindoro Nickel Project ay sumasaklaw rin sa Mag- asawang Tubig at Aglubang- Ibolo water sheds at tahanan ng tamaraw na tanging sa Mindoro lamang matatagpuan, ang ibig sabihin ito ay protected areas at dapat close to mining. Broker na ba ang DENR ng mining company sa halip na proteksyunan ang kalikasan?
Ang ikalawa ay ang approved application ng Agusan Petroleum and Mining Corporation na mayroong Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa bayan ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro at bayan ng Puerto Galera at San Teodoro, Oriental Mindoro. (dala ang paninindigan ng buong bayan, kasama natin ngayon si Mayor Eric A. Constantino, Vice- Mayor Floro Castillo at mga Sangguniang Bayan upang pormal na makita ng Kongresong ito ang kanilang pagtutol sa minahan) Mayroon pong 25 year mining moratorium ordinance ang bayan ng Abra de Ilog, bakit nai- proseso pa rin ang FTAA? Ito ang mas nakakaalarma, kinasuhan pa si Mayor Eric Constantino dahil sa kanyang pagmamahal sa kalikasan at pagpapatupad ng kanyang tungkulin para proteksyunan ang kanyang mamamayan!
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen; Anong sistema ba meron ang ating bansa? Ganito ba ang gusto nating mangyari sa ating mga lokal at halal na lider? Ako bilang Kinatawan ng ALAGAD Party List na ang mangunguna sa pagsasabing hindi ito dapat payagan ng Kongreso.
Ang pangatlo ay ang Pitkin Ltd na may oil exploration sa bahagi ng bayan ng Sablayan, Calintaan, Rizal, San Jose, Magsaysay Occidental Mindoro at Bulalacao, Oriental Mindoro. Kalakhan sa proyektong ito ay lupaing ninuno ng mga katutubo Tau- buid, Buhid at Hanunuo na mahigpit ang pagtutol sa proyekto. Sa batas IPRA dapat may pagsang- ayon ang mga katutubo. Malakas pa ang loob, sa presentasyon ng Pitkin sa mga katutubo at Sangguniang Bayan ng San Jose, itutuloy nila ang proyekto kahit na walang pagsang- ayon ng mga katutubo at ng Lokal na Pamahalaan.
Pang- apat, sa 92 mining approved mining application ng Mindoro, ang nananahimik na 89 na kompanya ng minahan ay nag- aabang. Kapag hindi nasagkaan sa Mindoro ang Mindoro Nickel Project ng Intex Resources, Agusan Petroleum and Mining Corporation at Pitkin Ltd, pinangangambahang masulputang para kabote ang operasyon ng pagmimina sa Mindoro.
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen; Grabe na ito at hindi na dapat palampasin ng Kongreso! Sa pagtingin ng ALAGAD Party List at marahil ay ng buong Kongresong ito, sinasalaula ng DENR, NCIP at mining companies ang awtonomiyang binigay ng Kongreso sa Lokal na Pamahalaan sa pagkaka- akda ng Local Government Code at IPRA. Awtonomiyang sumasaklaw sa karapatang mag determina ng pag- unlad na sustinable at batay sa kanilang kagustuhan.
Sa Seksyon 16 ng Local Government Code maliwanag ang General Welfare Clause. Sino ba dapat ang mag determina ng general welfare? Ang DENR ba na siyang nagsasabing may pag- unlad ang komunidad sa pagmimina o dapat ang mga Lokal na Pamahalaan at mga mamamayan nito? Saganang posisyon ng ALAGAD Party List ay ang mga Lokal na Pamahalaan at ang mga mamamayan nito, marahil ay iyan din ang pagtingin ng Kongresong ito.
Mabuti na lamang at hindi nanghihina ng loob ng mga taga- Mindoro. Congratulations po sa inyong lahat. Dapat tularan ng ibang lalawigan at komunidad ang inyong paninindigan. Marahil hindi lamang sa Mindoro ang may suliranin kagaya ng sa inyo.
Galing pa sila ng DENR, pasamantalang umalis sa hunger strike laban sa pagmimina sa isla ng Mindoro.
Mr. Speaker, Honorable Ladies and Gentlemen; ngayon din ay hinihiling ko ng dinggin natin ang panawagan ng mga Mindoro para imbestigahan ang DENR, MGB, EMB, NCIP at iba pang ahensyang sangkot sa usaping ito. Naghihintay ng ating tugon ang mga Mindoreño at hindi dapat sila biguin ng Kongresong ito.
Maraming Salamat.
- 764 reads
- Email this page
Printer-friendly version

Delicious
Reddit
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket
HONORABLE KA PA NAMAN PERO WALA KA PALA NAMAN NAUUNAWAAN
HON. DIOGENES S. OSABEL, HONORABLE KA PA NAMAN PERO WALA KA PALA NAMAN NAUUNAWAAN!!! ANO KAYA KUNG PUMARITO KA SA MINDORO NG MAINTINDIHAN MO KESA MAGNGANGAWA KA JAN SA KONGRESO!
SINASABI MO NA TUMUTUTOL MGA TRIBUNG ALANGAN AT TADYAWAN, SAMANTALANG MERON SILANG MALINAW NA KASUNDUAN SA PAMAMAGITAN NG LEGAL NA PROSESO!!!
ALAGAD KA NGA!!! ALAGAD KA NG MGA TAONG NANINIWALA SA KASINUNGALINGAN!!!
MAGTANONG KA NG MAY MAUNAWAAN KA!
KUNG DI KA NANINIWALA SA ATING GOBYERNO, LUMAYAS KA JAN SA KONGRESO!
KOREEEK NA NAMAN!!!!
Korek ka jan!
Nakisawsaw pa ang alagad... sablay naman!!!!
Post new comment