Pahayag ng Pakikiisa ng Alyansa Tigil Mina (ATM)Sa Pangkalahatang Pulong ng MACEC



Isang maka-kalikasang araw sa kasapian ng MACEC at sa lahat ng Marinduqueno!


Mabuhay kayong lahat, lalo na ang mga naninindigan at nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at ang mga patuloy na lumalaban sa mapanirang pagmimina.


Kinikilala ng ATM ang makasaysayang pangunguna ng MACEC para isulong ang karapatan ng mga Marinduqueno para sa inyong malinis na kapaligiran at magandang kinabukasan. Kasama na dito ang patuloy na paghahanap ng katarungan at paniningil sa Marcopper Mines at mga minero na sumira sa mga kagubatan, ilog, pananiman at baybaying dagat ng Marinduue.


Alam ng ATM ang haba ng panahon ng inyong laban, sa pangunguna ng MACEC, katuwang ang Simbahang Katolika at ang mga lokal na pamahalaan, para mapanagot ang mga maysala laban sa buhay at kabuhayan ng mga Marinduqueno.

Ang MACEC ay tinuturing ng ATM na isa sa pinaka-malakas naming myembro, at nanatili kayo na inspirasyon ng maraming komunidad at environmental activists sa buong Pilipinas pati na sa mga ibang bansa, lalo na ang mga patuloy na adbokasiya at tagumpay ng MACEC.


Napakahalaga ng mga ginagawa ng MACEC, particular ngayon ang mga ganap para hikayatin at hubugin ang mga kabataan para mamulat sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at ang angkop na gamit sa likas-yaman.


Hiling at panalangin ng ATM ang patuloy na pagdami at paglawak ng samahan ng MACEC, at ang pagpapalakas ng organisasyon, para mas maisulong pa ang tunay na likas-kayang kaunlaran, hindi lamang sa Marinduque kundi pati na sa mga karatig na isla-probinsya ng buong MIMAROPA at sa ibang panig din ng bansa.


Mabuhay ang MACEC! Mabuhay ang mga maka-kalikasang Marinduqueno!


Isulong ang isang mapayapa, maganda at mahusay na bukas sa Pilipinas!


Sumasainyo para sa mga tunay na kalayaan,




Jaybee Garganera

Alyansa Tigil Mina National Coordinator

Featured Posts
Recent Posts