Estado ng Kalikasan – Mayu Uno Virtual Rally – Pagbabahagi ng ATM/Kalipunan
Estado ng Kalikasan – Mayu Uno Virtual Rally – Pagbabahagi ng ATM/Kalipunan
1. Isang maka-kalikasan at mapag-palayang araw sa ating lahat. Nakiki-isa ang ATM at marami pang ibang maka-kalikasang grupo sa paggunita ng Araw ng Paggawa. Kasama rin po natin ang KALIPUNAN ng mga Masang Kilusan sa hanay natin ngayon.
2. Maganda ang paunang paliwanag kanina ni Kasamang Josua. Naniniwala kami na batay sa syensya at mga pag-aaral, malaki ang ugnayan ng pandemya at ng nagbabagong-klima. Ang mga mapanirang gawain ng kapitalista at tao – tulad ng pagmimina, pagto-troso at pag-gamit ng maduming enerhiya galing sa coal power plants – ang nagpapabilis at nagpapalala ng “climate change”. At dahil nauubos na ang mga puno, kalbo na ang gubat, madumi na ang mga katubigan at malala ang polusyon sa mga syudad, apektado ang mga hayop at insekto. Nagbabago ang kanilang mga gawi, kilos at biolohiya, at sila ay nagdadala ng mga bagong sakit tulad ng pandemyang ito.
3. Batid din natin na ang paglala ng air pollution ay masama para sa kalusugan ng mga manggagawa na araw-araw susuungin ang trapik at init at usok sa kalsada. Mas madali tayong makakapitan ng covid19 dahil sa lumalalang polusyon.
4. Ngayong COVID19 lockdown, nakakalungkot at nakakagalit ang sitwasyon ng ating kalikasan at likas-yaman:
a. Ilegal na pagmimina sa Homonhon, Leyte, Palawan at Nueva Vizcaya
b. sa Nueva Vizcaya kung saan ang isang mapayapang protesta ng mga katutubo ay marahas na na-disperse ng mahigit 100 pulis para lang makapasok ang mga diesel sa isang minahan
c. Ang paglo-load ng coal sa Semirara, kung saan Chinese shipping vessels ang pinigilan sana na maka-daong
d. Ang mga manggagawa sa mga minahan ay exposed sa sakit, at meron tayong alam na mga minahan na nagkaroon ng kaso ng COVID19, pero tuloy pa rin ang mga operasyon.
e. Batid din natin ang kalagayan ng mga simpleng manggagawa na mahirap ang karanasan ngayong COVID19 lockdown. Mga waste workers na walang PPE (kahit na nga patuloy ang pagkolekta ng mga basura kahit lockdown)
f. Lalong pagdami ng plastic pollution dahil sa disposable na PPEs, masks at plastic bags para sa relief goods.
g. Ang pag-payag ng DENR sa pag-gamit ng incineration o pagsusunog ng mga basura ng hospital. Ito ay malinaw na paglabag sa Clean Air Act.
5. Ang ilang sa ating mga panawagan:
a. Huwag maging bulag ang DENR sa mga banta na dulot ng mapanirang industriya at ng mga maling polisiya ngayong panahon ng Covid19 lockdown. Hindi essential economic activity ang pagmimina, kaya dapat itong itigil ngayong lockdown. Sa pagsasara ng mga minahan, dapat ay siguruhin ang lahat ng benepisyo para sa mga mine workers.
b. Pangalawa, siguruhin ang sapat na ayuda sa mga apektadong komunindad, lalo na ang mga katutubo at kababaihan, kasama na ang mga manggagawang apektado ng lockdown
c. Ayusin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno para maging kumpleto at sapat ang ayuda sa lahat ng apektado ng lockdown dulot ng Covid19
6. Sa pagtatapos, gusto naming ipaalala sa lahat na ang “bagong normal” ay naririto na. Kaya naniniwala kami, na ito na ang tamang panahon para igiit natin ang isang bagong porma at anyo ng kaunlaran na hindi dikta ng kapitalista. Ito na ang tamang panahon para isulong ang kaunlaran na hindi sinisira at sinasakripisyo ang likas-yaman. Isang lipunan at kaunlaran na tao at kalikasan ang nasa gitna. At sa pangunguna ng mulat na uring manggagawa, sigurado kami na makakamit natin ang pangarap na lipunang ito.
Magandang araw po sa ating lahat at mabuhay ang uring manggagawa!